This is somewhat a book reaction of Bata, Bata… Pa’no ka Ginawa? Pero let me post this in Tagalog, pasensya na. Wala ako sa mood mag ingles para sa kabuuan ng post na ito.
Sa wakas ay natapos ko na ang libro. Ang susunod sa listahan ay ‘GAPÔ at Desaparesidos. At katulad ng naunang libro na nabasa ko ay masasabi kong tungkol ito sa isang makabagong babae: isang kaibigan, makabayan, at isang ina na si Lea Bustamante.
Sa totoo lang, napapakunot ako sa iilang eksena ng libro na ito. Hindi kasi ako sanay na makatuklas ng gano’ng klaseng babae. Hindi naman sa puros negatibo, pero may kaunti akong hindi nagustuhan sa karakter ni Lea. Isa pa, masyado lang akong konserbatibo siguro.
Yep, naiintindihan ko na tao pa rin ang tao kahit kasal na siya, may karelasyon na, o committed na sa isang tungkulin. Hindi mo naman kasi matuturuan ang puso… Malaya kang mahalin kung sino ang gustong mong mahalin, at gawin ang mga bagay na gusto mong gawin, lalo na kung makakapag-unlad ito ng iyong sarili. Pero, may mga parteng hindi ako sumang-ayon, at nagpaduda pa sa akin lalo sa ibig sabihin ng “pagmamahal.” Oo, inaamin kong doon napokus ang aking atensyon sa buong pagbabasa. Alam kong may mas malalim pang ibig sabihin ang libro, tulad na lang ng pagtuklas sa sarili, pagsunod sa nais gawin, at syempre, pakikiaglaban sa politikal na aspeto ng buhay. Pero dito, sa pag-ibig o pagmamahal… sa paksang lahat ay makaka-relate, mas napokus ang atensyon ko.
Posible nga kayang magmahal ng dalawang tao, o higit pa? Pero kung mahal mo siya, at mahal mo rin ang isa… sino ang mas mahal mo sa dalawa? Bakit, at paano nagkaiba ang pagmamahal na iyon sa isa’t-isa, at sa iba? Totoong tanong iyon dahil hindi ko pa nararanasan. Isa ring mahirap sagutin, o kung masagot man ay mahihirapan pa rin akong intindihin.
Siguro, ang isa sa mga nagustuhan ko sa kwento ay ang karakter na ni Lea na kung ano desisyon niya ay paninindigan niya iyon. Naramdaman ko rin siya sa ilang katangian na nakikita ko rin sa aking mga kaibigan at maging sa aking ina. Si Lea, sa kabila ng magiging matatag ay mahina rin. Lalo na sa kaniyang nararamdamang lungkot at pag-iisa. Oo, may mga anak siya, pero naramdamang kong she’s still longing for something real. Something deeper. Hindi lang basta connection sa isang tao, hindi lang sparks. Sino ba namang hindi naglo-long sa gano’n ‘di ba? At kapag naramdaman mo ‘yon, mapapasabi ka na lang ng… “Minsan, may mga gabing sana’y wala nang umaga.” gaya ng title ng post na ito. Malaking tama sa akin ng parte na ito sa libro at naramdaman ko kung gaano kalungkot si Lea:
“Mahal kita pero mamaya’y wala ka na’t malulungkot ako. Hahanap-hanapin kita, iiyak ako, magdurusa ako… pero kasama ‘yon sa mga katotohanang kailangang yakapin ko. Doon ka, dito ako… kanya ka, wala ako. Pag itinanong niya ‘ko sayo, sabihin mo: magkaibigan na lang tayo.”
Malungkot hindi ba? Maligaya ka, pero hindi magtatagal ang kaligayahan na iyon. Malungkot ka, at babaunin mo ‘yon habang wala ang kaligayahan sa’yo. Madalas ay mas matagal ang kalungkutang mararamdaman mo, dahil matagal dumating ang ligaya, subalit mabilis mawala.
Naramdaman ko rin si Ojie. Gaya ko rin siyang lumaking hindi kapiling ang tunay na ama. Naramdaman ko kung gaano kahirap kapag tinatanong kang “Nasa’n ang tatay mo?”, pero mas maswerte lang ako’t mahal din ako ng tinuring kong ama na tiyuhin ko, asawa ng tiyahin ko’t kapatid ni Mama, dahil sa kanila ako lumaki. Heh. Share lang.
Ang libro perpekto para sa mga single mom, gaya ni Lea. Sa mga ina na mag-isang bumubuhay sa kanilang mga anak, na ayaw lang makulong bilang isang ina.
At para sa pagtatapos ng post na ito, narito ang dalawa sa mga linyang halos bumuod sa libro:
Bata-bata… pa’no ka ginawa? Dahil may dalawang tao riyan na naghandog ng sarili nila sa isa’t-isa, dalawang tao na nag-akalang magkabuhol na ang buhay nila. At kahit nang matuklasan nila na mabubuhay rin pala sila nang wala ang isa, wala nang magagawa… ang bata ay eto na.
Bata, bata… pa’no ka ginawa? Hindi bigla kundi unti-unti, tulad sa lahat ng normal na proseso ng paglaki. Unti-unti’y nakikita mong may iba’t-ibang mukha ang mga tao, isa-isang natutunugan mo ang iba’t-ibang kahulugan ng mga ingay at tinig. Sa paglaki, napapansin mong may mga tanong na mahirap sagutin, at may mga utos na mahirap sundin. Higit sa lahat, natutuklasan mo na habang naririnig mo ang mga sagot, lalong dumarami ang naiisip mong mga tanong….