Kagabi lang ay nakita ko ang larawan niya sa facebook, ngayon ay narito na siya kasama ko.
Gusto ko siyang tanungin kung ano ang ginagawa niya rito, pero natatakot ako na baka ‘pag tinanong ko siya ay bigla siyang umalis.
“Hey.” ang nasabi ko na lang sa kanya matapos ko siyang lapitan.
Ngumiti siya sa akin at sumagot ng “Hi.” pabalik.
Tanginang ngiti ‘yan. Hays.
“Long time no see,” sabi ko. “Kumusta ka na?”
Medyo matagal siyang nakasagot sa tanong ko na iyon. Sapat na oras para pag-aralan muli ang kanyang mukha na halos ilang taon ko na rin na hindi nakikita sa personal.
Nagkalaman na siya uli. Katamtaman lang ang katawan niya kumpara sa huli naming pagkikita na parang kinulang sa kain. Hindi mo aakalain na ito na siya. Ganito na siya. Parang kailan lang…
Parang dati lang, nung mga highschool kami, mukha lang siyang mapayat na nerd na magaling sa math. Hindi ko siya pinapansin, dahil busy ako sa pagpansin sa iba. Nakakausap ko naman siya pero hindi mo masasabing malapit kami sa isa’t-isa.
Siguro, nung nagcollege lang kami tuluyang naging magkaibigan. Naging magkaklase kami nang mag second semester, first year. Nagtuloy-tuloy na hanggang makagraduate ng 2yrs.
Doon ko siya nakilala. Masaya siyang kasama. Marami siyang alam na cool na bagay. Minsan lang siya umimik, pero kapag nagsalita palaging may laman.
Doon ko rin nalaman ng bahagya ang personal na buhay niya. Pareho kaming hiwalay ang magulang. Iniwan kami ng papa ko, habang sila naman ay ng kanilang ina.
Magaling siya sa halos lahat ng subject. Magaling siya sa logic. Mabuti siyang kaibigan.
Doon ko siya hinangaan.
At doon ko siya nagustuhan.
Halos limang taon kaming hindi nagkita pagkatapos, o sabihin na nating hindi ako nagpakita dahil gusto kong kalimutan ang nararamdaman ko sa kanya.
Alam ko naman kasi na hindi iyon masusuklian.
Nito na lang ako sumasama sa mga pag-aya ng mga dating kaibigan. Madalas pa ay wala rin siya.
Biruin mo, ang haba na ng panahon ng nagdaan. Marami nang nagbago sa kanya at sa akin. Marami na kaming kwento na hindi alam ng isa’t isa.
Subalit gano’n pa rin. Yung mga mata niya, gano’n pa rin.
Malalim. Maganda. Biglang nawawala kapag ngumingiti.
Pucha.
Napansin niya ang pagtitig ko, kaya iniwas ko ang aking tingin. Nakakahiya.
“Ayos lang, ikaw kumusta?”
“Okay lang, tara kain ka.” pagyaya ko sa kanya.
Nalimutan kong bigla kung ano ang okasyon. Birthday ko ba? Birthday ng pamangkin ko? Ni mama? Sino ang may birthday?
Pero kung birthday ko, bakit siya lang ang dumating?
Kumain na siya. Nakipagkuwentuhan rin sa ibang bisita, habang nagninilay-nilay ako ng pangyayari. Hindi ako aware na close siya sa iba kong kamag-anak.
Ah, naalala ko noong nagpunta siya sa burol ng tinuturing kong ama. Kahit mag-isa ay nagpunta siya para makiramay.
Naalala ko tuloy nang pumanaw rin ang mahal niyang lola… ni hindi man lang ako napadaan. Nagchat lang ako ng condolence, at sinabing hindi na ako makakadaan. Nakonsensiya ako sa nangyari, parang napakawalang kwenta kong kaibigan.
Pero alam ko namang naiintindihan niya ikung bakit.
‘Di nagtagal, kailangan ko nang umalis. May lumapit na isa kong tita at sinabing uuwi na raw kami. Lalo akong nalito. Kaninong bahay ba ‘to?
Tumingin ako agad sa kanya. Tumingin rin siya sa akin at ngumiti.
Alam na niya sa mga tingin ko na nagpapaalam ako.
Hindi na naman ba kami magkikita? Kung magkikita man, gaano pa katagal? Iyan ang mga tanong na nasa isip ko… and as usual, walang sagot.
Maya-maya ay lumabas na ang mga kasama ko. Gabi na, kaya naman nakakatakot sa dadaanan. Nauna na sila, samantalang ako ay naroon pa sa kusina. Ayoko pa kasing umalis.
Nagmadali lang ako dahil bigla akong natakot maglakad magisa doon sa dadaanan. Sobrang dilim nang matanaw ko.
“Teka lang, hintayin niyo ako.” sabay takbo papalabas, tangay-tangay ang isang bote ng tubig.
Sa pagtakbo ko ay nalaglag ang takip. Kukunin ko na dapat nang bigla siyang sumulpot sa tabi ko at siya ang kumuha sa lapag.
“Tara na.” sabi niya, saka naglakad.
Paglabas namin ay umuulan. Napatingin ako agad sa kanya.
“May payong ka?”
Umiling siya bilang sagot.
Naalala ko bigla ang dati, umuulan din noon at wala siyang payong. Meron ako, pero ayaw niya yatang sumukob.
Inisip ko kung ayaw pa rin ba niyang sumukob ngayon. Pero bakit kaya ayaw niya noon? Hindi ko kailanman nalaman ang sagot.
Binuksan ko ang payong at inalok siya. Ngumiti naman siya at naglakad na kami.
Kinakabahan ako, pero bakit ako kinakabahan? Matagal nang nabura ang feelings ko sa kaniya. Hindi na dapat ako kabahan.
Pero nagpatuloy akong gano’n. Dinaan ko na lang sa kwento para hindi ko maalala.
Napansin ko na nababasa siya, kaya inusog ko ang payong sa parte niya.
“Lumapit ka ng kaunti.” sabi ko.
“Hindi na, okay lang.”
“Hindi okay, nababasa ka oh.”
Hindi na siya nakipagtalo. Lumapit na lang siya ng kaunti sa akin. Ako ang may hawak ng payong kaya hindi ko tantiya kung gaano siya nababasa.
Napansin niya siguro na tumitingin ako sa kaliwang braso niya, kung saan tumatama ang ulan, kaya kinuha na niya ang payong sa’kin.
“Okay lang ako, pero akin na nga.”
Nagtama ang mga kamay namin nang kunin niya ito.
Dumoble yung kaba ko.
Nasa balikat na niya ang pisngi ko. Tumangkad ba siya? Ang alam ko mas matangkad ako sa kaniya dati.
Alam kong ayaw niyang may didikit sa kanya kaya lumayo ako bigla. Masiyado yatang obvious kaya bigla niya akong hinila pabalik.
“Mababasa ka.”
“Hindi ah, i-ano… i-ganito mo ng kaunti, hindi naman ako nababasa.” naiilang kong tawa saka inayos ang pagkakahawi ng payong.
Muli, nagtama ang kamay namin.
Tinanggal ko ang kamay ko sa payong ng mabilis.
Tangina, kanina pa ako naiilang. Pagsigaw ko sa isip ko kasabay ng paglakas ng ulan.
Nababasa na ako, pero ayokong magpahalata. Ayoko rin kasing lumapit sa kaniya.
Bigla na lang akong nagulat nang umakbay siya sa akin, pero syempre, hindi ko rin pinahalata na nagulat ako. Alam ko namang ginawa niya iyon para magkasya kami lalo sa payong.
Hindi na lang ako umimik. Napangiti na lang ako at napa-oo nang bigla niyang tinanong…
“Ganito rin ‘yon ‘di ba? ‘Yong dati, ganito rin noon, ‘di ba?”
At iyon ang huli kong narinig nang tuluyan akong magising mula sa panaginip na imposibleng mangyari.