Sana…

Masaya ang lahat na nagsisiawit ng maligayang kaarawan. Puno rin ang lamesa ng mga pagkaing paborito niya, ngunit ang kaniyang mga mata’y hindi gano’n kasabik gaya ng dati. Kung babalikan at titignan ang mga ngiti sa kung saan kapiling pa nito ang kaniyang mahal, ay ibang-iba sa makikita ngayon.

Isang taon na naman ang nadagdag sa kaniyang edad. Katumbas nito ang ‘di mabilang na pagrami ng kaniyang puting buhok, ‘di mapigilang paglabas ng mga linya at kulubot sa kaniyang balat, at ang natural na pagbaluktot ng kaniyang likod. Katumbas din ng isang taon na ito ang mga karanasang naging dagdag sa kaniyang pagkatao, at ang marami pang karanasan na maaaaring dumating sa kanya hanggang sa madagdagan na naman siya ng panibagong taon.

Ngumiti siya at nagpasalamat nang matapos ang lahat sa pag-awit. Doon niya hinipan ang isang kandila na nasa gitna ng paborito niyang tsokolet keyk, at pagkatapos ay nagsipalakpakan ang lahat.

Muli, tumingin siya at ngumiti sa mga taong nakapalibot sa kanya. Ang kaniyang mga anak, mga pamangkin, mga apo. Ang kaniyang buong pamilya. At kahit hindi sinasadya, hinanap na naman niya ang isang ngiti na palagi niyang inaabangan tuwing matatapos niyang hipan ang kandila — isang ngiti na dalawang taon na niyang hindi nasisilayan.

Nagsikainan ang lahat pagkatapos, at buong araw silang nagsaya upang ipagdiwang ang kaniyang kaarawan.

Masaya.

Masaya siya.

Subalit pagkatapos ng araw, kapag muling mananahimik ang buong paligid, uupo siya sa kaniyang paboritong tumba-tumba, at ngingiti sa kaniyang sarili.

Masaya.

Masaya siya.

Pero kaniyang iisipin…

“Sana nandito ka pa.”

Advertisements

Sandali

Tumawa siya at sinabayan ang iba. Madilim na, subalit may sapat na ilaw na nanggagaling sa kisame upang makita ang saya sa mga mukha ng kaniyang kasama. 

Kasabay ng malalakas na halakhak ang pagbuhos ng ulan sa labas, dahilan kung bakit nakakulong sa mainit at hindi kalakihang kuwarto ang mga sabik nilang katawan sa hamog ng gabi. Buhay na buhay pa rin ang paligid kahit na lagpas alas dos na ng madaling araw. 

Sandali siyang napatigil sa pagtawa, at tumingin sa dakong unahan upang tingnan ang kaisa-isang mukha na gustung-gusto niyang palaging pinagmamasdan. 

Sa sandaling iyon ay pawang panandalian ding tumigil ang pagtibok ng kaniyang puso. 

Umiwas siya ng tingin. Hindi niya kinaya ang pagkapaso niya sa mga titig na sumalubong sa kaniyang pagsulyap. Kasabay nito ay pagdadalawang isip at pagtataka. Totoo nga bang nakatitig ito sa kaniya? Ngunit bakit? Para makasiguro ay tumingin siyang muli.

Muling tumama sa kaniya ang dalawang bola ng apoy at isang malalim na titig galing sa taong nagpapawala ngayon ng kaniyang dibdib. Nawala lahat ng ingay. Nanlamig ang kaniyang mga pawisang kamay. Tumigil ang pagbagsak ng tubig ulan sa bubong. Maski paghinga niya yata’y tumigil din.

Ang kaninang tuwa’y mas dumoble pa. Gusto niyang ngumiti, gusto niyang humalakhak ng wagas. Gusto niyang tumayo at lapitan ang taong iyon, saka niya ito yayakapin. Ngunit alam niyang hindi niya kayang gawin, at wala siyang karapatang gawin. Napatigil siya. “Sandali lang, teka.” Ang sabi niya sa kaniyang isipan. Hindi na dapat iyon ang kaniyang nararamdaman. Kaya mas pinili niyang pumikit na lamang.

Kakalimutan ang sandaling nagbigay sa kaniya ng pag-asa sa salitang “maaari”. 

Sa Robinsons Ortigas

Apat na metro pa ang layo, ngunit tanaw ko na ang tingin niya. Tatlong malalakas na kabog ang narinig ko sa kung saan. Luminga ng bahagya sa gilid ng kalsada, tahimik at walang ibang ingay kundi ang mahinahong andar ng mga sasakyan. Saan ito galing?

Ibinalik kong muli ang tingin sa unahan. Nakita kong nakatingin pa rin siya sa akin. Nakatingin nga ba siya sa akin? Hindi ako sigurado. Hindi ko siya kayang tingnan pabalik.

Ilang hakbang na lang ang layo, agad akong yumuko.

Ayokong makita ang tingin niyang nakakatunaw. Ang tingin niyang nagtatanong ng mga ‘bakit?’ at nagsasabi ng mga salitang ‘sinaktan mo ako ng sobra.’

Dalawang pitik ng kamay ang narinig, isang hakbang bago ko siya malampasan. Iniangat ko ang tingin at lumingon sa kanyang dako. Ngunit wala na akong naabutan. Ang tanging nakita ko na lamang ay ang likod niya, papalayo sa kung saan man ako nakatayo.

Biglang bumalik lahat.

Doon sa umagang puno ng ngiti, sa gabing may matatawag na kaunting kilig.

Sa mga araw na umaasang mamumunga ng maganda ang simulang walang kalinawan.

Sa mga usapang nabuo kahit na maraming pag-aalinlangan at ngayo’y nilimot na ng pagkakataon.

Sa panahong akala ko pareho naming natagpuan ang pag-ibig.

‘Hanggang ngayon ba?’

Tatlong salitang nagpaisip sa akin.

‘Alin?’

Alin nga ba? Hanggang ngayon ba ano?

Hanggang ngayon ba naiisip pa rin kita? Hanggang ngayon ba gusto pa rin kita? Hanggang ngayon ba umaasa pa rin ako? Hanggang ngayon ba ano? Ano?

‘Di ka na ba galit?’

Ang tangi kong nasabi pabalik. Limang salitang matagal ko nang gustong tanungin. Kung tutuusin ay iisang sagot lang ang makukuha. Oo o hindi, ngunit parehong sagot ay hindi na.

Iyan siguro ang gusto kong makuhang sagot mula sa kaniya.

Hindi ako malungkot. Hindi ako nalulungkot. Sa halip ay masaya ako, dahil alam kong unti-unti, maaari na kaming maging magkaibigan muli.

Para kay Ulap

Gano’n pala ang pakiramdam na mahawakan ang kamay mo. Doble ang init, mas malambot, kaysa kapag hawak ko siya sa aking panaginip. 

Gano’n pala ang pakiramdam na ihilig ang ulo mo sa balikat ko. Sa wakas, sumandal ka na rin sa akin, iyon yata ang unang pagkakataon. 

Pinaghalong amoy alak at pawis, malagkit na pagtama ng mga braso gawa ng mahigit limang oras na paglalagi mo sa labas, at ang tibok ng puso kong nagsusumigaw, ngunit pinipigilan, dahil baka bigla kang lumayo kapag ito’y iyong marinig. 

Isang salita para mailarawan ko ang naramdaman ko kagabi: magulo. 

Iyan pa rin ang pakiramdam ko hanggang ngayon kahit na nagkaroon ng kaunting linaw, dahil sinagot mo naman ang ilan kong katanungan kahit na hindi buo at madetalye ang mga ito. Natuwa ako at naintindihan mo. O baka dahil iisa tayo ng naiisip? Nararamdaman? Hala. Heto na naman ako sa pag-iisip ng mga ganitong bagay, ayoko na nga.

Ayoko na.

Pero gusto ko pa.

Pero ayoko… pa.

Siguro hindi pa ito ang tamang panahon. At hindi ko alam kung may tamang panahon nga ba sa bagay na ito, sa atin. Tae. Sa atin? 

Hindi. Sa akin.

Sa akin ang mas tugmang salita.

Hahayaan ko na lang muna ang panahon na magdikta ng lahat.

Sana…

“Kaya nung sinabi niya na gusto ka niya, nainis ako kasi bakit parang gano’n na lang kadali ang umamin? Sana kinaibigan ka muna niya.. Sana nakita niya muna yung mga nakita ko. Sana may ginawa muna siya para sa’yo. Ang dami kong sana…”

Sana kaya ko rin ibalik lahat, lahat – hindi lang mga ginawa mo, kundi maging ang nararamdaman mo. Pero sorry kaibigan, hindi ko talaga kaya.

Sana normal na lang yung gano’n. Yung kahit maibalik ko yung kung anong ibinibigay mo, walang magagalit, walang magsasabing mali. Pero kasi, kahit naman na pilitin kong gawing tama, ay hindi ko kaya. Hindi ko kaya.

Sana pwede kong pawiin lahat nung sakit, o kaya kabiguan mo sa pag-iisip na hindi ka magiging masaya sa gano’ng bagay. Pero kahit na sabihin kong someday ay may darating na gagawa nang mga iyan, ay alam kong hindi ka pa rin lubos na magiging masaya dahil sa hinahawakan mong paniniwala.

Masakit malaman na gano’n pala talaga, but at the same time, masaya. Dahil alam kong may isang taong walang ibang gugustuhin kundi ang nakabubuti para sa akin. Sa kabilang banda, nakakalungkot… kasi gusto ko ikaw rin maging masaya. Gaya ng kagustuhan mong maging masaya ako.

Salamat. Salamat sa lahat. Gusto kong maiyak. Nakalulungkot.

Nakakadisappoint din, dahil all this time, buong akala ko ay ibang tao. Narinig ko pa nga ang mga hinaing mo, binigyan pa nga kita ng mga advise, tapos malalaman ko na ang totoo, ako pala talaga iyon at hindi ang pangalang nabanggit mo. Dapat noong tinanong kita kung sino, ay sinabi mo na ang katotohanan.

Sana tama ang naaiisip ko… na product lang lahat ng utak mo. Na iniisip mo lang na mayroon kang naramdaman – nararamdaman – ewan.

Sana hindi ko na lang pala nalaman.

Ang walang hanggang tots tungkol sa pag-ibig. (Kailan nga ba matatapos ang mga tanong…?)

Pagod na ako, pero ang utak ko hindi pa rin mapakali sa kaiisip. Siguro nalamanan na naman ng mga katanungan… na siyempre, may kinalaman tungkol dun sa title.

As usual, napag-usapan na naman ang tungkol sa pag-ibig. Wala yatang araw na magkakasama kami ng mga kaibigan ko na hindi namin iyon napag-usapan. Hindi ko na nga matandaan kung kailan ang huling beses na hindi iyon ang topic. Tch.

Kadiri, kabilang talaga kami sa mga hopeless romantic na taong lihim na naghahanap at naghihintay sa kanilang greatest love. Pucha, di na rin naman kasi ako bumabata, hello! Pero yeah, magapakabisi pa akong magpayaman. May mga maghihintay naman eh! Char! Kunwari mahaba buhok ko.

Pero ah, speaking of greatest love. Ayon kasi sa nabasa kong libro, magkaiba raw ang “greatest love” mo sa “correct love” mo. Saang libro? Para Kay B ni Ricky Lee. At narealize ko na… oo. May pagkakaiba nga sila.

Kaso itong si friend, nung nabanggit ko sa kaniya ‘yon, ang sabi niya… “Magkaiba pa ba ang great love sa correct love?” na kapag daw pinili mo ang correct love ay yun na yung great love, kasi iyon yung best eh. Maski ako nalito, pero siyempre, iba kasi yung point.

Ang point kasi… dapat ang makakatuluyan mo ay ang correct love mo. Kasi iyon yung tama eh. Correct nga eh, hello. Ayon ang dapat — para walang masaktan, walang maipit, walang ibang mahihirapan. In short, para lahat happy. Malaki kasi ang tendency na ikaw lang at ang great love mo ang magiging masaya kung iyon ang pipiliin mo. Masaya ka nga, pero deep inside you know, at sa tingin ng iba hindi tama.

Isa pang katanungan na gumugulo sa isip ko na kaakibat nung una. Paano kung kailangan mong pumili between your “choice” and your “love“? For example, may mahal ka, pero hindi siya ang pinili / pipiliin mo dahil sa mabigat na rason, masasabi mo bang mahal mo pa rin siya eh nag-let go ka? Shaks ‘no. Dito na yata pumapasok yung tanong na… mahal mo ba talaga kasi pinakawalan mo o hindi kasi hindi mo pinaglaban? Nakakadugo. Ang sarap ngang gawan ng story, ta’s yung ending ko pinili niya yung “love” niya pero kasi ang hirap kalabanin nung reason eh. Ang challenging! Pero at the same time, nakakalungkot isipin. Kasi… bakit may pagtingin na mali about sa love? At bakit kailangan mong pumili?

Ahh, naalala ko tuloy yung sinabi ng kapatid kong panganay… “Nagiging tama o mali lang naman ang pag-ibig depende sa taong tumitingin”. ‘Di ko nagets nung una ko iyang narinig, pero ngayon naiintindihan ko na. Siguro nga… nasa tao na lang ang kasagutan sa mali o tamang pagmamahal.

Kung makasulat naman ako rito, akala mo naman sobrang expert ko na sa pag-ibig, but the truth is, maski ako nag-iisip kung talaga bang nakaranas na ako ng gano’n. Or kung alam ko ba talaga ang ibig sabihin no’n. Yung true love, ika nga, sa isang tao. Eh kasi, ang pananaw ko na ngayon sa ganiyan, puro feelings na lang eh. Kumbaga, emosiyon mo lang iyan na nararamdaman. Mababago. Mawawala. Pero ang sagwa naman kung ang panghahawakan mo na lang ay ang “commitment”. Ang sound bitter ano. Pero kasi… hindi ba nagsisimula lang naman ang lahat sa isang katiting na emosiyon? Tapos saka na lang madedevelop.

Pero ah, ewan. Hindi ko pa nga rin naiintindihan ng lubos. Sabagay, iba-iba naman kasi talaga ang klase ng pag-ibig. Iba-iba ang paraan ng mga tao para maparamdam nila iyon sa’yo.

Pero ah ulit.

Lutang na ako. I must rest.

Nakaharang na sakit

Muntikan ko nang makalimutan na naging masaya pala ako noong kasama kita. Marahil napuno lang ako ng sakit, o nahaharangan lang nito ang masasayang ala-ala, kaya nalimot kong marami pala akong hindi dapat kalimutan na ala-ala nating dalawa.

Naipaliwanag ko na ito sa ilan. Na siguro kaya mas pinili kong hindi alalahanin, ay dahil ang una kong nararamdaman ay sakit at sama ng loob bago ko pa man tuluyang mabalikan ng tanaw ang naging pagsasama natin.

Kumbaga, bago pa ako makarating sa parte ng utak ko kung saan nakatago ang masayang memorya, dadaan muna ako sa nakaharang na sakit at ito ang una kong mararamdaman.

Gano’n eh. Kada silip ko sa saya (yung saya nating dalawa), hindi maiiwasang may kumurot sa puso ko. At dahil ayoko nang masaktan, kakalimutan ko na lang na nais ko uling makita ang mga ala-alang pinagsaluhan natin.

Nakalimutan ko na minsan kong sinabing willing akong mag-let go para sa iyong kasiyahan. Nakalimutan ko na minsan kong tinatak sa isip ko na magiging masaya ako basta’t masaya ka. At kaya ko siguro nasabi ang mga iyon dahil hindi ko pa alam ang sakit na maaari kong maramdaman… na ngayon ay nalampasan ko na.

Kaya nga lang, dahil sa nakaalis na ako at nalagpasan ko na ang parte kung nasaan ang sakit, nahihirapan akong balikan ang masasaya dahil sa ang sakit muna ang una kong madadaanan bago pa man makarating sa masayang pupuntahan.

Pero, siguro naman ay darating pa rin ang panahon na tuluyan nang mawawala ang sakit at malaya ko na ulit mababalikan ang masasayang ala-ala na naiwan mo sa akin.

Paano mo malalaman na mahal mo na ang isang tao (in a romantic way)?

I had a conversation with a close friend yesterday night habang umiinom ng milktea. Of course, our topic is about “love” itself, and how can a person say that they already love someone.

It’s a hard question actually, tho sabi ko, iba-iba naman ang meaning ng love sa iba’t-ibang tao. Naalala ko dati, nag-survey pa ako para makagawa ng essay about do’n. Iba-iba ang sagot nila sa tanong ko na ito: ‘Paano mo ba masasabing mahal mo na ang isang tao?’

Some says kapag you’re willing to sacrifice everything for that person, that’s when you finally know you love him/her; some says kapag tanggap mo ang lahat about sa tao na iyon, mapa-positive or negative man ito; and some simply says it doesn’t have a reason, you just know it.

Pero hindi lang do’n nag-end up ang usapan. Si friend kasi biglang nagtanong: paano mo malalaman na love na ang nararamdaman mo? Matitiyak mo ba na love na iyon? Paano kung akala mo lang love na iyon, pero hindi pala? At yung akala mong hindi love, ay love na pala? at ilang tanong rin katulad ng ‘may boundaries ba dapat yung mga gagawin mo para sa isang tao para masabing hindi pa iyon love? May parameter ba ang love?’.

Sa totoo lang naloka ako sa tanong niya, and realized… Oo nga. Mayroon ba? May factors ba na dapat i-take note at tandaan para malaman na romantic love na ang nafefeel mo at hindi lang simply platonic? Well, take this for example… everyday kayong nag-uusap ng isang tao and you both send good morning and good night messages, you’ll hear him/her out thru good times and bad times, you’re always there beside that person, and you sacrifice your time masamahan lang siya. Masasabi mo bang romantic love na iyon, kahit na you’re simply just friends? Compared to a situation na minsan lang kayong magkita, minsan mo lang siyang makausap, but oh boy, you feel some deep connections! You’re willing to spend time too, sacrifice time too, hear them out ’til morning too, but it’s just a thought, walang practice. Puro thought and idea lang. Mako-consider mo bang romantic love na? Ano bang pinagkaiba?

Mahal mo na ba siya kapag hindi siya maalis sa isip mo? Mahal mo na ba siya kapag gustong gusto mo siyang makita every day? Mahal mo na ba siya kapag kinakabahan ka every time na magkikita kayo? Mahal mo na ba siya kapag nag-iimagine ka ng mga bagay-bagay sa inyong dalawa? How can you say it’s love?

Ah, balik tayo sa tanong ko. Paano mo masasabing mahal mo na ang isang tao? Dati naniniwala ako na walang reasons ang love. Kabilang ako sa mga taong sumagot noon na walang dahilan ang pag-ibig, walang sagot sa tanong, sadya mo na lang mararamdaman ito. Biglaan. Walang factors to take note. Smooth.

Pero mali. Meron pala talaga.

In my experience, basically, masasabi kong mahal mo na ang isang tao kapag inuuna mo ang kapakanan niya kaysa sa kapakanan mo. Siguro ito ang number one. Mas iniisip mo siya, kaysa sa’yo. Bigla kang mawawala sa eksena at tanging siya na lang ang nakapokus. Sa kaniya iikot ang lahat. Maging ang magiging desisyon mo, sa kaniyang nakasalalay. Ikaw ang magdedecide, hawak mo pa rin ang mundo mo, pero sa kaniya ka na nakatingin. Magiging selfless ka pag dating sa taong iyon. Isa pa, you’ll try to enter his/her world. you’ll be interested sa mga bagay na gusto niya. Susubukan mo ang mga bagay na ginagawa niya, and you’ll try to love it para lang masabayan mo siya. Gano’n eh. Selfless ka na kasi. Third, magkakaroon ka ng maraming oras. Pero sa sarili mo wala. Oo, dahil nga inuuna mo na siya at susubukan mo nang pasukin ang mundo niya, malilimutan mo na na may mundo ka rin. Kapag may nagtatanong kung busy ka, sasabihin mo palagi ay oo, pero para sa taong iyon ay hindi. You’ll make time. Tingin mo nga ay kulang pa nga ang pag-alay mo ng 24hrs para sa taong iyon.

But friends, lahat ng sinabi ko ay mali. Hindi dapat gano’n palagi. Kasi kung iyon ang gagawin mo, magiging miserable hindi lang ang buhay mo, kundi pati ang buhay ng taong mahal mo.

Yes, it’s okay to consider the person you (think you) love, pero hindi dapat sa lahat ng oras ay siya lang ang iisipin mo. What about you? What about the people around you? Ah, huwag mo siyang gawing mundo mo.

Ayos lang din na subukan mo ang mga hilig niya, but don’t forget na you have yours too. May hilig ka rin, may mga bagay ka rin na dapat gawin, at hindi iyon dapat nababalewala.

Tama lang din na bigyan mo siya ng oras, pero don’t only focus sa taong iyon. Huwag mong kalimutan na kailangan mo rin ng oras para sa iyong sarili, mga kaibigan at pamilya.

Kung talagang mahal mo ang isang tao, you’ll prove to every one na karapat-dapat ka para sa kaniya. You’ll give your best shots to become the very best version of yourself. Aayusin mo muna ang sarili mo, before trying to fix somebody. Aalisin mo muna ang lahat ng frustrations, disappointments, and insecurities bago ang sa kaniya. Pupunuan mo muna ang lahat ng pagkukulang mo, bago ang sa kaniya. Dapat ayos ka muna, bago ang lahat. You should be complete first for you to complete someone. \

All in all, kailangan matutunan mo munang mahalin ang sarili mo, bago ka magmahal ng iba.

Buti Sana Kung…

Habang naglalakad pauwi,
Tinanong nila ako isang beses.
Mukhang alam ko na, aking naisip.
“nakamove on ka na ba bes?”
“Kumusta naman ang puso mo?
Hindi na ba dumudugo?”

Ngumiti na lang ako bilang sagot
Hindi umimik sa kanilang tanong.
Hindi naman sila maniniwala kung sasabihin kong oo.

Oo.
Malayo na ang naihakbang ko
kaya ko nang lumingon nang hindi napapaitan
sa lasa ng iyong pekeng pagmamahal

Oo.
Naghilom na ang mga hiwa sa puso.
Kahit na puro plaster at tahi
kahit na nabugbog sa iyong binigay na sakit.

Oo.
Hindi na kita naiisip.
Pero minsan iniisip kita.
Inaalala ko kung gaano ako nagpakatanga.
Para sa susunod, hindi na mauulit.

Oo.
Hindi na nalulumbay tuwing gabi.
Sa mga oras na wala akong makasamang magkape.

Oo.
Hindi na.

Oo.
Hindi.

Ano pang dahilan para manatili?
Rason para ‘di umusad?
Para patuloy na magdugo ang kalooblooban?

Buti sana kung guwapo ka.
Buti kung mayaman.
Buti kung maganda ngiti mo.
Pati mga mata mo.

Buti sana kung tinanggap ako ng pamilya mo.
Noong panahong iniisip kong tayo na hanggang dulo.
Buti kung kinausap ako ng kapatid mo.
Tanda mo?
Buti sana kung kinausap mo ako
at dinamayan
noong panahong kailangan ko ng “someone”.

Buti sana kung pinahalagahan mo
ang mga bagay, pangyayari, mga luha
mga tawa at masasayang ala-ala
na naibigay ko sa’yo.

Buti sana kung marami kang naiambag
sa pagunlad ko bilang kaibigan
Bilang mamamayan.
Bilang babae.
Bilang tao.

Buti na lang ano?
Buti na lang hindi ako pihikan sa pagmamahal.
At ikaw ang napili ng puso kong bulag.
Sabagay, bulag nga eh.
Kaya hindi niya nakita sa umpisa pa lang…
Ako’y sasaktan mo lang.

Pero alam mo,
kung ginawa mo lang ang kaisa-isang “kung”
May dahilan sana ako para manatili.
May rason para ‘di umusad,
Para patuloy kang mahalin kahit mahirap.

Pero hindi eh.

Buti sana kung minahal mo ako ng totoo.

Paalala.

May mga tao talagang darating sa buhay mo na mamahalin ka at mamahalin mo rin. Ibibigay mo ang lahat, gagawin mo ang lahat, isasakripisyo mo ang lahat para sa kanya at sa huli, iiwanan ka niya na parang walang nangyari. Malalaman mong hindi ka niya minahal ng totoo at masasaktan ka. Iiyak ka araw-araw, gabi-gabi, at bawat oras na maaalala mo siya at ang masasayang sandali ninyong magkasama. Mabubuhay ka na puno ng katanungan. Maiisip mo kung saan ka nagkulang, kung hindi ba sapat ang nagawa mo, o kung may mali ka bang nagawa dahil bigla na lang nagkagano’n. Lilipas pa ang araw at makikita mo siyang masaya na. Magtatanong ka uli ng mga bakit. Paano. Kailan. Iiyak ka uli. Masasaktan ka uli. Pero mapagtatanto mo na hindi tama na manatili kang gano’n. Gigising ka na may planong bumangon muli. Hindi dahil sa naaawa ka na sa sarili mong nakalugmok lang sa semento, kundi dahil alam mong hindi iyon ang nararapat para sa’yo. Makikita mo ang kahalagahan mo sa tulong ng mga tao sa paligid mo. Maiisip mong hindi lang pala sa kanya dapat umikot ang mundo mo. Maiisip mong maaari ka uli na sumaya kung hahayaan mong pumasok ang kasiyahan sa’yo. Tatayo ka, unti-unti. Minsan papasok siya sa memorya mo at masasaktan ka ulit, ngunit mangingibabaw na ang positibong pananaw. Hindi ka na maaapektuhan ng kanyang pagkawala. Hindi ka na maiiyak sa magagandang ala-ala ninyong dalawa na hindi na mauulit. Kundi, ngingiti ka na sa pag-alala ng masasakit na pangyayaring dinulot niya sa’yo at ipinadama. Dahil kung hindi sa mga iyon, ay hindi mo maiisip na mahalaga ka pala. Na kaya mo palang mag-isa. Na malakas ka kasi hanggang ngayon ay nakakangiti ka kahit na minsan gusto mo na lang umiyak. Matututunan mong mahalin ang sarili mo at maiisip mo na iyon muna ang dapat mong matutunan bago ka magmahal ng iba.

May mga tao talagang darating sa buhay mo na mamahalin ka at mamahalin mo rin. Pero mali. Ngunit ang pagkakamali na iyon ay magdudulot ng maganda sa iyong sarili. Lalakas ka. Tatapang ka. Ihuhulma ka. At ituturo ka, sa tamang panahon, sa taong magbibigay at magpapadama sa’yo ng totoong kaligayahan.

%d bloggers like this: