Buti Sana Kung…

Habang naglalakad pauwi,
Tinanong nila ako isang beses.
Mukhang alam ko na, aking naisip.
“nakamove on ka na ba bes?”
“Kumusta naman ang puso mo?
Hindi na ba dumudugo?”

Ngumiti na lang ako bilang sagot
Hindi umimik sa kanilang tanong.
Hindi naman sila maniniwala kung sasabihin kong oo.

Oo.
Malayo na ang naihakbang ko
kaya ko nang lumingon nang hindi napapaitan
sa lasa ng iyong pekeng pagmamahal

Oo.
Naghilom na ang mga hiwa sa puso.
Kahit na puro plaster at tahi
kahit na nabugbog sa iyong binigay na sakit.

Oo.
Hindi na kita naiisip.
Pero minsan iniisip kita.
Inaalala ko kung gaano ako nagpakatanga.
Para sa susunod, hindi na mauulit.

Oo.
Hindi na nalulumbay tuwing gabi.
Sa mga oras na wala akong makasamang magkape.

Oo.
Hindi na.

Oo.
Hindi.

Ano pang dahilan para manatili?
Rason para ‘di umusad?
Para patuloy na magdugo ang kalooblooban?

Buti sana kung guwapo ka.
Buti kung mayaman.
Buti kung maganda ngiti mo.
Pati mga mata mo.

Buti sana kung tinanggap ako ng pamilya mo.
Noong panahong iniisip kong tayo na hanggang dulo.
Buti kung kinausap ako ng kapatid mo.
Tanda mo?
Buti sana kung kinausap mo ako
at dinamayan
noong panahong kailangan ko ng “someone”.

Buti sana kung pinahalagahan mo
ang mga bagay, pangyayari, mga luha
mga tawa at masasayang ala-ala
na naibigay ko sa’yo.

Buti sana kung marami kang naiambag
sa pagunlad ko bilang kaibigan
Bilang mamamayan.
Bilang babae.
Bilang tao.

Buti na lang ano?
Buti na lang hindi ako pihikan sa pagmamahal.
At ikaw ang napili ng puso kong bulag.
Sabagay, bulag nga eh.
Kaya hindi niya nakita sa umpisa pa lang…
Ako’y sasaktan mo lang.

Pero alam mo,
kung ginawa mo lang ang kaisa-isang “kung”
May dahilan sana ako para manatili.
May rason para ‘di umusad,
Para patuloy kang mahalin kahit mahirap.

Pero hindi eh.

Buti sana kung minahal mo ako ng totoo.

Pinilit… pinipilit (Isang tula na dahil sa’yo, hindi para sa’yo)

Di ko na mabilang —
Siguro’y sinadya na ring kalimutan
— ang mga araw na nagdaan
Na wala ka sa isipan
At sa aking tabi,
Tuwing gabi,
Tuwing naiinip,
At naghahanap ng sasagip
Sa aking sarili.

Ngunit sa bawat araw
At bawat sandali
Na ninais kong ilimbag
At isulat sa papel
Ang damdamin kong nagliliyab
Upang maibsan ang bigat
ay nasisilip ka sa mga letra
Mga salita, mga talata
Na dati’y iyong tinitirhan
Ngunit iyong nilisan.
Awtomatik na lumalabo’t
Nawawalang saysay
Ang mga paningin
at mga kamay
Na pawang ‘di na alam
kung anong silbi nila sa katawan.

Isang beses rin nakita ko,
Hindi sinasadya ito,
Ang mga lumang litrato mo
(Natin, dahil kasama ako)
na nasa loob na ng sobreng
mukhang mas bago pa
Kaysa sa nalimot mong pangako.
Doon napagmasdan ko
(Doon lamang, tunay na nakalulungkot)
Sa larawan na may ngiti mo
— ngiti ng iyong mga labi,
Mga mata at puso —
Kung paanong ang isang tao’y
Maaaring maging maligaya’t
makaramdam ng pagmamahal
Ng walang katapusan.

Lumipas ang buwan;
Ang mga oras ay humaba.
Lumalim, lumamig
Lalong ‘di alintana
Ang mga itinagong sakit,
Mga tinakpang butas
Gamit lamang ang pagtawa.
Nakangiti akong lumabas,
Magiliw na naglakad,
Halos kawayan ang lahat,
Upang ipakitang wala nang sugat
Wala ring peklat
Na dulot ng iyong pang iiwan.

Kaso, palaging may kaso.
Dahil nakadaumpalad ko
ang isa sa kakilala mo.
Muli ka niyang hinanap
Tinanong at kinamusta.
Ngumiti ako ng masigla
Inakalang ayos na
Kaya ko na
Nalimot ko na.
Ngunit ako na nama’y nawala
Naubusan ng sasabihin
At mga dahilan
Sa hindi ko sinasadyang
pag-babalik tanaw
Sa sinubukan
At pinilit
na binura kong ala-ala.

 

Isang tula, dalawang kataga: “Kailangan kita”

“kailangan kita,” sabi mo.
Tinignan ka niya sa mga mata,
Hinawakan ang iyong mga palad
At sinabing “nandito lang ako.”
Sinalo niya ang iyong mga luha
Habang pasan rin ang iyong dinadala.
Sinabayan ka niya sa iyong paglalakad

– Hindi ka niya hinayaang mag-isa.

Pagkaraan ng mga araw,
Naging matatag ka.
Kaya mo na ang iyong sarili,
Kaya mo nang wala siya.
‘di nagtagal, ikaw ay kaniyang tinanong,
“ayos ka na ba?”
At ngumiti ka bilang sagot.
Simulo noon ay alam na niya

– Hindi mo na siya kailangan.

 

“kailangan kita,” sabi niya isang araw.
Tinignan ka niya sa iyong mga mata,
Ngunit tinitigan mo lang siya.
Ang kanyang mga palad,
naghihintay ng may hahawak.
Umaasa siyang sasaluhin mo rin
Ang kaniyang mga luhang
bumabagsak.

Ngunit wala ka.
Hindi mo siya sinamahan,
Hindi mo siya sinabayan
Sa paglangoy sa lawa
ng mabibigat na problema.

Mag-isa siyang sumuong.
Mag-isang sumuko.
Gusto niyang kayanin, ngunit
hindi nangyari

– naubos ang kaniyang lakas
dahil ibinigay niya lahat sa’yo.

Masaya ka sa kadahilanang nahanap mo siya
Ang tao na sa iyo’y muling magpapasaya
Sa tagal na nanlamig ang tulog mong puso
Umaasa ka na sana ang kasiyahan na ito’y di na maglaho

Tumagal ng buwan, isa, tatlo, lima
Masaya ka na naman dahil nalagpasan mo yung una
Pero di nagtagal nagkaroon ng maliit na problema
At ang problema na iyon, dala dala mo hanggang sa kama

Hindi ka mapakali, araw-araw tuliro
Gusto mo siyang kausapin ngunit ayaw mo ng gulo
Kaya’t hinayaan mo lang at ika’y nagbulagbulagan
Habang siya nama’y nagpapakamakasalanan

Masaya ka sa kadahilanang nahanap mo siya
Ang tao na sa iyo’y muling magpapasaya
Subalit ngayon na nasasaktan ka na
Hahayaan mo pa bang magpatuloy ang sakit na sa iyo’y dulot niya?

Isa lang ang masasabi ko sa huling talata nito
Hindi lahat ng kasiyahan ay magtatagal hanggang dulo
Pinaranas lang iyan para mapagaan ang iyong loob
Dahil kung sasabihin ko ng totoo, sa huli’y lahat tayo’y lulungkot

Mawawala ka
Mawawala siya
Lahat tayo’y mawawala

Walang matitira sa mundong ibabaw
Walang matitira ni isang kasiyahan
Iyon lang ang hindi nagbabago
Lahat ng bagay ay maglalaho

isang paalala sa taong hindi pa namumulat sa katotohanan, pakiusap gumising ka na