Pinilit… pinipilit (Isang tula na dahil sa’yo, hindi para sa’yo)

Di ko na mabilang —
Siguro’y sinadya na ring kalimutan
— ang mga araw na nagdaan
Na wala ka sa isipan
At sa aking tabi,
Tuwing gabi,
Tuwing naiinip,
At naghahanap ng sasagip
Sa aking sarili.

Ngunit sa bawat araw
At bawat sandali
Na ninais kong ilimbag
At isulat sa papel
Ang damdamin kong nagliliyab
Upang maibsan ang bigat
ay nasisilip ka sa mga letra
Mga salita, mga talata
Na dati’y iyong tinitirhan
Ngunit iyong nilisan.
Awtomatik na lumalabo’t
Nawawalang saysay
Ang mga paningin
at mga kamay
Na pawang ‘di na alam
kung anong silbi nila sa katawan.

Isang beses rin nakita ko,
Hindi sinasadya ito,
Ang mga lumang litrato mo
(Natin, dahil kasama ako)
na nasa loob na ng sobreng
mukhang mas bago pa
Kaysa sa nalimot mong pangako.
Doon napagmasdan ko
(Doon lamang, tunay na nakalulungkot)
Sa larawan na may ngiti mo
— ngiti ng iyong mga labi,
Mga mata at puso —
Kung paanong ang isang tao’y
Maaaring maging maligaya’t
makaramdam ng pagmamahal
Ng walang katapusan.

Lumipas ang buwan;
Ang mga oras ay humaba.
Lumalim, lumamig
Lalong ‘di alintana
Ang mga itinagong sakit,
Mga tinakpang butas
Gamit lamang ang pagtawa.
Nakangiti akong lumabas,
Magiliw na naglakad,
Halos kawayan ang lahat,
Upang ipakitang wala nang sugat
Wala ring peklat
Na dulot ng iyong pang iiwan.

Kaso, palaging may kaso.
Dahil nakadaumpalad ko
ang isa sa kakilala mo.
Muli ka niyang hinanap
Tinanong at kinamusta.
Ngumiti ako ng masigla
Inakalang ayos na
Kaya ko na
Nalimot ko na.
Ngunit ako na nama’y nawala
Naubusan ng sasabihin
At mga dahilan
Sa hindi ko sinasadyang
pag-babalik tanaw
Sa sinubukan
At pinilit
na binura kong ala-ala.