Isang tula, dalawang kataga: “Kailangan kita”

“kailangan kita,” sabi mo.
Tinignan ka niya sa mga mata,
Hinawakan ang iyong mga palad
At sinabing “nandito lang ako.”
Sinalo niya ang iyong mga luha
Habang pasan rin ang iyong dinadala.
Sinabayan ka niya sa iyong paglalakad

– Hindi ka niya hinayaang mag-isa.

Pagkaraan ng mga araw,
Naging matatag ka.
Kaya mo na ang iyong sarili,
Kaya mo nang wala siya.
‘di nagtagal, ikaw ay kaniyang tinanong,
“ayos ka na ba?”
At ngumiti ka bilang sagot.
Simulo noon ay alam na niya

– Hindi mo na siya kailangan.

 

“kailangan kita,” sabi niya isang araw.
Tinignan ka niya sa iyong mga mata,
Ngunit tinitigan mo lang siya.
Ang kanyang mga palad,
naghihintay ng may hahawak.
Umaasa siyang sasaluhin mo rin
Ang kaniyang mga luhang
bumabagsak.

Ngunit wala ka.
Hindi mo siya sinamahan,
Hindi mo siya sinabayan
Sa paglangoy sa lawa
ng mabibigat na problema.

Mag-isa siyang sumuong.
Mag-isang sumuko.
Gusto niyang kayanin, ngunit
hindi nangyari

– naubos ang kaniyang lakas
dahil ibinigay niya lahat sa’yo.

Paalala.

May mga tao talagang darating sa buhay mo na mamahalin ka at mamahalin mo rin. Ibibigay mo ang lahat, gagawin mo ang lahat, isasakripisyo mo ang lahat para sa kanya at sa huli, iiwanan ka niya na parang walang nangyari. Malalaman mong hindi ka niya minahal ng totoo at masasaktan ka. Iiyak ka araw-araw, gabi-gabi, at bawat oras na maaalala mo siya at ang masasayang sandali ninyong magkasama. Mabubuhay ka na puno ng katanungan. Maiisip mo kung saan ka nagkulang, kung hindi ba sapat ang nagawa mo, o kung may mali ka bang nagawa dahil bigla na lang nagkagano’n. Lilipas pa ang araw at makikita mo siyang masaya na. Magtatanong ka uli ng mga bakit. Paano. Kailan. Iiyak ka uli. Masasaktan ka uli. Pero mapagtatanto mo na hindi tama na manatili kang gano’n. Gigising ka na may planong bumangon muli. Hindi dahil sa naaawa ka na sa sarili mong nakalugmok lang sa semento, kundi dahil alam mong hindi iyon ang nararapat para sa’yo. Makikita mo ang kahalagahan mo sa tulong ng mga tao sa paligid mo. Maiisip mong hindi lang pala sa kanya dapat umikot ang mundo mo. Maiisip mong maaari ka uli na sumaya kung hahayaan mong pumasok ang kasiyahan sa’yo. Tatayo ka, unti-unti. Minsan papasok siya sa memorya mo at masasaktan ka ulit, ngunit mangingibabaw na ang positibong pananaw. Hindi ka na maaapektuhan ng kanyang pagkawala. Hindi ka na maiiyak sa magagandang ala-ala ninyong dalawa na hindi na mauulit. Kundi, ngingiti ka na sa pag-alala ng masasakit na pangyayaring dinulot niya sa’yo at ipinadama. Dahil kung hindi sa mga iyon, ay hindi mo maiisip na mahalaga ka pala. Na kaya mo palang mag-isa. Na malakas ka kasi hanggang ngayon ay nakakangiti ka kahit na minsan gusto mo na lang umiyak. Matututunan mong mahalin ang sarili mo at maiisip mo na iyon muna ang dapat mong matutunan bago ka magmahal ng iba.

May mga tao talagang darating sa buhay mo na mamahalin ka at mamahalin mo rin. Pero mali. Ngunit ang pagkakamali na iyon ay magdudulot ng maganda sa iyong sarili. Lalakas ka. Tatapang ka. Ihuhulma ka. At ituturo ka, sa tamang panahon, sa taong magbibigay at magpapadama sa’yo ng totoong kaligayahan.

Sa taong magmamahal sa kanya,

Unang una, gustong kong sabihin na salamat dahil sa dinami-rami ng babae sa mundo, siya ang pinili mong ibigin. At huwag kang mag-alala, sigurado akong mamahalin ka din niya.

Kung mababasa mo man ito, gusto kong malaman mo yung mga hilig niya. Yung mga bagay na nagpapasaya sa kanya, yung mga salitang ayaw niyang marinig, at yung mga aksiyon na gusto niyang maramdaman mula sa iyo. Gusto ko din na malaman mo kung anong klase siyang babae, kung ano ang personalidad niya, ugali niya at kung gaano siya kadaling mabasag.

Siya’y tahimik. Gusto niya na palaging nag-iisa pero takot siya ng walang kasama. Kapag hindi siya nagsasalita, ikaw na ang unang kumausap sa kanya. Ikaw na ang gumawa ng paraan para mapadama mo sa kanya ang ibig sabihin ng katahimikan sa paraang hindi niya mararamdaman na wala siyang kasama. Hindi ko alam kung paano, basta ikaw na ang bahala sa kanya.

Ang babaeng pinili mong mahalin ay masiyahin. Gusto niya na palagi siyang nakangiti. Gusto niya lagi na ikaw ang maging dahilan ng bawat pagkurba ng kanyang mga labi. Kaya naman gawin mo ang lahat para alisin sa puso niya ang lahat ng lungkot, inggit at galit. Gawin mo ang lahat para mapadama mo sa kanya na handa kang maging katawatawa huwag lamang siyang umiyak. Ipadama mo sa kanya na kayang-kaya mong gawing makulay ang buhay niya sa piling mo. Malaki ang inaasahan niya sa iyo, kaya gawin mo kung ano ang dapat. Huwag mo siyang paiiyakin at sasaktan.

Gusto niyang mahawakan ang kamay mo at maramdaman na ang kamay niya lang ang hahawak nito. Akbayan mo siya palagi kapag naglalakad kayo. Gusto niyang maramdamang ligtas siya bawat oras sa piling mo. Nais niyang makasiguro na nariyan kang sumusuporta sa kanya kapag napapagod na siyang tumayo. Hawakan mo siyang mabuti, huwag mo siyang bibitawan.

Mahal niya ang musika. Kaya naman haranahin mo siya. Kahit na hindi maganda ang boses mo, kapag narinig ka niyang umawit, paniguradong magugustuhan niya ito. Kapag alam mong gabi na’t oras na ng pagtulog, ikaw na ang magmistulang radyo na mag-iingay upang siya’y mahimlay. Kantahin mo ang paborito niyang kanta, bigkasin mo ang mga gusto niyang liriko.Magugustuhan niya ito, at lalo ka niyang mamahalin.

Tandaan mong hindi siya mahilig sa bulaklak. Naniniwala siyang hindi ito dapat na gawing simbolo ng pag-ibig. Dahil ito’y namamatay, nabubulok at nalilimot. Kapag gusto mo siyang bilhan ng bulaklak, ipagpinta mo na lamang siya nito. Kahit ang isang maliit na piraso ng papel na may guhit na rosas, matutuwa na siya. Hindi na niya kailangan ng magagandang bulaklak. Sapat na ang kasama ka niya sa buong araw.

Marami siyang pangarap — isa na ang makasama kang tumanda. Gusto niyang itulak mo siya para maabot ang kanyang mga ambisyon. Kahit na imposible, gusto niyang palakasin mo ang loob niyang makuha ang ninanais na buhay. Huwag mo siyang hahayaang manghina. Ikaw sana ang maging lakas niya.

Ang babaeng pinili mong mahalin, ay magmamahal din sa iyo ng lubos. Isa ka sa mga lakas niya. Ikaw na ang magiging buhay niya.

Ang babaeng pinili mong makasama ay umaasang makakaranas ng totoong pagmamahal na manggagaling sa iyo. Kaya naman huwag mo siyang bibiguin sa pagtupad nito. Dahil kapag nagkataon, masasaktan siya ng todo.

At ang babaeng tinutukoy ko sa liham na ito…

…ay ako.