Sana…

“Kaya nung sinabi niya na gusto ka niya, nainis ako kasi bakit parang gano’n na lang kadali ang umamin? Sana kinaibigan ka muna niya.. Sana nakita niya muna yung mga nakita ko. Sana may ginawa muna siya para sa’yo. Ang dami kong sana…”

Sana kaya ko rin ibalik lahat, lahat – hindi lang mga ginawa mo, kundi maging ang nararamdaman mo. Pero sorry kaibigan, hindi ko talaga kaya.

Sana normal na lang yung gano’n. Yung kahit maibalik ko yung kung anong ibinibigay mo, walang magagalit, walang magsasabing mali. Pero kasi, kahit naman na pilitin kong gawing tama, ay hindi ko kaya. Hindi ko kaya.

Sana pwede kong pawiin lahat nung sakit, o kaya kabiguan mo sa pag-iisip na hindi ka magiging masaya sa gano’ng bagay. Pero kahit na sabihin kong someday ay may darating na gagawa nang mga iyan, ay alam kong hindi ka pa rin lubos na magiging masaya dahil sa hinahawakan mong paniniwala.

Masakit malaman na gano’n pala talaga, but at the same time, masaya. Dahil alam kong may isang taong walang ibang gugustuhin kundi ang nakabubuti para sa akin. Sa kabilang banda, nakakalungkot… kasi gusto ko ikaw rin maging masaya. Gaya ng kagustuhan mong maging masaya ako.

Salamat. Salamat sa lahat. Gusto kong maiyak. Nakalulungkot.

Nakakadisappoint din, dahil all this time, buong akala ko ay ibang tao. Narinig ko pa nga ang mga hinaing mo, binigyan pa nga kita ng mga advise, tapos malalaman ko na ang totoo, ako pala talaga iyon at hindi ang pangalang nabanggit mo. Dapat noong tinanong kita kung sino, ay sinabi mo na ang katotohanan.

Sana tama ang naaiisip ko… na product lang lahat ng utak mo. Na iniisip mo lang na mayroon kang naramdaman – nararamdaman – ewan.

Sana hindi ko na lang pala nalaman.