KADRAMAHAN101


Nalulungkot ako ngayon. Gusto kong magpunta sa lugar kung saan walang tao at doon mag-iiyak at maglabas ng sama ng loob. Kaso wala akong alam na ganoong lugar. Sana nga totoo na lang ang Maldiaga – ang lugar kung saan walang umiibig, walang pag-ibig, at kasalanan ang umibig – para doon na lang ako titira, at para naman hindi na ako nakakaramdam ng ganitong sakit.

Gusto ko sanang sabihin at ipagsigawan sa buong mundo na kailangan ko ng karamay, pero ayoko. Ayokong kaawaan nila ako. Kaya ayun, dito ko na naman sinusulat ang lahat. Dito ko na naman ilalagay ang mga nangyaring ayoko na sanang maalala. Dito ko na naman ibubuhos ang mga luhang ayaw nang tumulo dahil sawa na ang mga mata. Dito… sa mumunting espasyo sa internet ko lang nailalagay ang mga bagay na kailanman, hindi ko maikukuwento sa iba ng harap-harapan.

Bakit ganun ang buhay? Yung iba may malaking bahay, buo ang pamilya, maraming pera, pero walang pagmamahalan. Yung iba walang bahay, buo ang pamilya, walang pera pero nagmamahalan. Yung iba naman, may bahay, hindi buo ang pamilya, pero may isa…may isa sa kasapi ng pamilya, na gustong magkaroon ng pagmamahalan at gawing tahanan ang kanilang tinitirhan.

Nakakatawang isipin, paano ko kaya nakayang mabuhay sa ganitong sitwasiyon? Paano ko kaya naatim na tiisin ang pangungulila? Ngayong tinatanong ko…paano nga kaya? Ganon ba ako kalakas? Ganon ba ako katatag? Pero kung malakas at matatag ako, bakit ako umiiyak ngayon? Bakit ko ito sinusulat? Bakit ako nagda-drama?

Ang hirap. Ang hirap, hirap. May bahay naman kayo, kumpleto sa gamit, may cellphone, may laptop, may pagkain, may pera. Pero hindi mo naging close ang ama mo at ngayon may ibang pamilya na, malayo ang nanay mo, watak watak kayong magkakapatid. Hindi masaya. Kulang. Hindi kumpleto, at kailanman hindi na makukumpleto. 

Lalong mahirap. Sobrang hirap. Kasi saksi ka sa sakit. Saksi ka sa sigawan, saksi ka sa lahat. Narinig mong umiiyak sa kabilang linya ng cellphone yung nanay mo, narinig mong umiiyak yung kapatid mo sa kabilang kuwarto, pero wala kang nagawa. Akala nila wala lang sa iyo pero heto ka… tahimik din na lumuluha. Nagtatanong ng maraming bagay gaya ng bakit sa inyo nangyayari ito. Bakit sa dinami rami ng masasamang tao, eh kayo ang napili ni tadhana na dumanas ng ganitong problema. At bakit sa lahat… sa lahat ng tao, ikaw ang napiling magtiis ng ganitong pakiramdam at makasaksi ng ganitong pangyayari.

Ang duga. Ang unfair. Sobrang unfair ng buhay. Wala naman akong malaking kasalanan, wala naman kaming nagawang masama. Pero bakit ganito… bakit ganito yung buhay namin? Bakit ganito yung pamilya…bakit ito nangyayari. Bakit.

Akala ko magiging okay na ang lahat. Akala ko konting tiis na lang eh magiging masaya na kami. Akala ko kapag umasa ako eh mararanasan ko yung kahit isang beses eh buo kaming kakain sa hapagkainan na walang dinaramdam na kahit anong galit at sama ng loob sa isa’t-isa. Akala ko sanay na ako pero hindi pa pala. At ayun, pinatay na naman ako ng mga akala ko.

Aanhin mo naman ang isang bahay, kung hindi mo naman ito matatawag na tahanan.

2 thoughts on “KADRAMAHAN101

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s